Wednesday, July 30, 2014

YAMANG LUPA

Banaue Rice Terrace (Banaue, Ifugao)

YAMANG LIKAS

Ang yamang likas ay ang pangunahing pinagmumulan ng yaman at batayan ng kaunlarang pangkabuhayan ng isang bansa. Sa madaling salita, ito ay mga yaman na biyaya ng kalikasan para sa sangkatauhan.

YAMANG LUPA

Ang yamang lupa ay likas na kayamanan na matatagpuan sa ibabaw o ilalim ng lupa. Kabilang dito ang mga halaman, puno, apog, mineral, uling, ginto, at mahahalagang bato na nakukuha natin sa mga yungib.

Chocolate Hills (Bohol)
SULIRANIN SA YAMANG LUPA

Ang mga yamang lupa na ipinagkaloob sa ating ng Panginoon ay unti-unti ng nasisira at nawawala nang dahil sa kagagawan ng mga tao. Ang mga puno sa gubat ay nagsisitumbahan sapagkat kinukuha ng mga tao ang mga troso para pagkakitaan. Ang mga bundok ay ipinapatag upang gawing mga subdibisyon at lugar pangkomersyo. Ilan lang ito sa mga ginagawang karahasan ng mga tao sa ating mga yamang lupa.


1. POLUSYON
Trak na nagtatambak ng mga basura sa landfill

"Tapos dito, tapos doon, tapos kahit saan!" Matagal ng ipinapamukha ng gobyerno at iba pang NGO's na magtapon sa tama at wastong lugar, ngunit ang mga tao ay walang pakialam sa palagid at patuloy paring ginagawa ang ipinagbabawal. Mahabang panahon narin ang iginugol ng gobyerno at NGO's para maipaalam sa mga tao na matutong mag-recycle at mag-segregate, pero dedma pa din sila. 


Ang kinalabasan, "baha dito, baha doon, baha kahit saan!" Nalubog na sa baha ang mga tahanan ng mga taong walang pakialam sa kalikasan. Iyan ang nagiging senaryo tuwing bumabagyo o minsan kahit kaunting ulan lamang, babaha na hanggang tuhod. Ito lamang ay sanhi ng mga kumpol-kumpol na plastik at styropor na nagbabara sa mga kanal at ang mga bagay na ito ay nanggaling sa mga taong dedma sa kapaligiran. Tayo ang may gawa kaya madaming pagbabahang nangyayari dito sa ating bansa. 


Ang solusyon lang dyan ay "disiplina at kooperasyon ng mga tao." Kung tayo'y magiging disiplinado sa ating mga aksyon at makikiisa sa mga proyektong pangkalikasan ng mga kinauukulan, ang ating kapaligiran ay magiging mas maayos at syempre, mas malinis. Samahan narin natin ng konting pagkukusang-loob sa pagpulot at pagtapon ng mga basura sa paligid at konting pagpapaalala sa iba pang tao na kailangan nating panatiliing dalisay ang ating kapaligiran.


2. PAGTOTROSO
Trak na may kargang buntong-buntong malalaking troso 

Ang mga puno sa kagubatan at kabundukan ang nagsisilbing baga ng ating mundo. Sila ang nagbibigay ng oxygen na ating nilalanghap para mabuhay. Sa madaling salita, sila ang nagtutustos ng buhay sa buong mundo at kapag nawala sila, mawawala narin tayo. Pero anong ginagawa nating sa kanila? Pinuputol, tinataga at sinisibak ang mga matatayog na puno, miski ang mga maliliit pang mga puno hindi pinapalagpas. Pagkatapos putulin, ibebenta at pagkakakitaan, tapos uulitin na naman ang proseso. Anong nangyayari? Pabawas lang ng pabawas ang bilang ng puno at hindi ito nadaragdagan sapagkat hindi sila marunong magtanim ng panibagong puno na maaari sanang makatulong pa sa atin at sa kapaligiran.


Ang mga ugat ng puno ay nagsisilbi ding pampataba at kapitan. Tuwing umuulan, hinihigop nila ang mga tubig-ulan sa lupa at lalong tumatangan ang ugat ng puno sa kalupaan. Ibig sabihin, isa ang puno sa mga pinakamahahalagang pangangailangan ng tao upang mabuhay sa mundong ibabaw. Subalit ang mga walang pakialam na negosyante ay patuloy parin sa kani-kanilang gawain tulad ng pagtabas ng mga puno, pagsira sa kagubatan at pagkalbo sa mga bulubundukin. Itong mga kilos na ito ang nagpapahamak sa mga tao sa paligid ng mga bundok, pati na rin sa mga mabababang lugar. Ang natitira nalamang sa mga puno sa ating mga bundok at gubat ay ang kanilang mga ugat na walang ng buhay. Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga landslides, mudslides, rockslides at iba pang klaseng mga "slides." Ito rin ang nagdudulot ng pagkabaha sa iba't ibang lugar na galing sa tubig sa mga bundok na hindi nasisipsip ng mga puno, sapagkat wala na mismong puno.


Kung kaya't ang maiisip lamang natin na solusyon ay magtanim ng magtanim ng puno, upang mapadami ang lahi nila, matulungan tayong masustentuhan ang ating buhay at maiwasan ang malalagim na sakunang dulot ng pagkawala nila. Maaari din tayong magpetisyon ng isang panukala sa gobyerno na naglalayong mapatibay ang batas at mapabagsik ang mga parusa ukol sa pangaabuso't pagsira sa kalikasan at ilegal na pagputol ng mga puno. 

3. PAGHUHULI SA MGA HAYOP
Inosenteng mag-inang unggoy na dinukot ng mga mandarambong

Ang mga hayop ay ginawa ng Diyos para mabalanse ang buhay sa mundo. Ayon sa Bibliya "At nagkahapon at nagkaumaga ang ikalimang araw. At sinabi ng Dios, Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kani-kaniyang uri ng hayop at ng mga kinapal na umuusad, at ng mga ganid sa lupa, ayon sa kanikaniyang uri." Sila ang inunang ginawa ng Diyos upang mayroong alternatibong pagsusustentuhan ng makakain ang mga tao at para may katulong ang sangkatauhan sa pag-alaga ng mga likha ng Diyos. Ang mga nilalang na ito ay hindi ginawa para maltratuhin at abusuhin ng mga tao. Sila ay nilikha upang pangalagaan at protektahan dahil katulad natin, sila ay nilikha din ng Diyos. At malamang, kung tayo ay mapupunta sa kanila katayuan bilang hayop, ayaw din nating maranasan ang pangaabusong ginagawa ng mga tao.


Ang mga hayop ay para sa kalikasan, hindi para sa malamig na kulungan. Hanggang ngayon, patuloy parin ang pagkuha ng mga hayop sa kanilang mga tahanan upang ibenta at pagkakitaan ng mga negosyante at mga ilegal na mandarambong. Nang dahil sa mga masasamang gawaing ito, pababa ng pababa ang populasyon ng isang uri ng hayop at lumalaki ang posibilidad na mawala na ito sa balat ng lupa. Sabi ng mga dalubhasa sa agham, kapag nawala ang isang uri o klase ng hayop, miski isa lang, malaki ang magiging epekto nito sa lahat, kabilang tayong mga tao. Ayon sa kanila, magagambala at magugulo ang food chain ng mga hayop at maaaring mamatay din ang isa pang uri o klase ng hayop. Sa madaling salita, kung ipagpapatuloy pa ng mga mandarambong at negoyante na pagkakitaan ang mga hayop, maaaring humantong ang epekto nito sa pagkawala ng madaming uri ng hayop at lubusang maaapektuhan ang sangkatauhan.

Upang maitigil na ang mga paghuli sa mga inosenteng hayop sa kapaligiran, kailan paigitingin ng mga mambabatas ang kautusang-bayan patungkol sa pang-aabuso at ilegal na paghuli sa mga hayop, lalong lalo na sa mga endangered species sa ating bansa. Maaari ding patibayin ng mga kinauukulan ang seguridad ng mga hayop sa paligid, upang mapatibay ang proteksyun  nila mula sa mga taong may masasamang balak. Alam naman natin na mahirap solusyunan ang suliraning ito, ngunit kung tayo ay magtutulong-tulungan, maayos natin ang lahat.

4. PAGTATAPON NG BASURA KUNG SAAN-SAAN
Isang ibong namatay dahil sa mga "plastic" na kinain

Ang larawan sa itaas ay kinunan ng isang tanyag na Amerikanong litratista na si Chris Jordan. Mayroon siyang proyektong ginagawa "Midway: Message from the Gyre" na naglalayong maipakita ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga ibon (Laysan Albatross) sa Midway Atoll. Ang Midway Atoll ay ang parang tahanan ng halos lahat ng lahi ng ibong ito. Ang isang Laysan Albatross ay karaniwang tumatagal ng hanggang 50 taon, subalit nang dahil sa mga itinatapong mga basura na pwede pa namang i-recycle, unti-unti na silang namamatay at nababawasan. Napagkakamalan kasi nila itong mga pagkain, kung kaya't ipinapakain ng mga inahing ibon ang mga basurang ito sa kanilang mga supling. Isa lamang ang litratong iyan sa daan-daang iba pang mga larawan na nagpapakita ng epekto ng mga kamangmangan ng mga tao ukol sa kanilang kapaligiran.

Ang pagtatapon ng mga basura kung saan-saan ay isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng polusyon, hindi lamang sa kalupaan, pati rin sa katubigan at himpapawid. Ang mga suliraning ito ay kagagawan lamang nating mga tao sapagkat akala natin na walang namang nangyayari sa ating paligid, kung kaya't ang lakas ng loob nating ipagpatuloy ang masamang gawain ito. Hindi natin namamalayan na tayo din ang naglalagay sa peligro sa ating mga buhay. Ilang beses na nating naranasan ang pagbaha, pagragasa ng tubig sa ating mga bahay at ang panibagong kinakatakutang eksena tuwing bumabagyo, ang storm surge. Pero bakit hindi parin naliliwanagan ang lahat ng tao ukol sa isyung ito? Hindi ba dahil wala pa silang alam tungkol dito o sadyang wala silang pakialam sa mga kaganapan sa kanilang paligid.


Maaaring maging solusyon ang pagbibigay ng mga pantas-aral sa iba't ibang panig ng bansa upang maliwanagan at maiintindihan ng nakararami ang tunay na nangyayari sa ating paligid at kung ano ang nagiging epekto nito sa atin. Ngunit ang pinakamaiinam na solusyon sa suliraning ito ay mangyayari lamang sa ating mga indibidwal na tahanan. Kung tayo lahat ay magre-recycle at magse-segregate ng mga basura, sobrang laking tulong nito sa ating lahat. Napakahalaga ang ugaling bayanihan sa mga problemang kinakaharap natin patungkol sa mga basura, sapagkat makakamit lamang natin ang kaayusan ng kapaligiran kung tayo ay magtutulong-tulungan.

5. PAGSUSUNOG NG BASURA
Tambak ng basura na sinusunog
Kadalasang gawain yan ng mga kasambahay o matatanda na naglilinis sa kanilang mga bakuran. Winawalis nila ang mga nalaglag na dahon ng puno sabay isisiga. Hinidi nila alam na maaari ring makatulong ang mga dahong iyo upang mapataba ang lupa sa paligid ng puno. Parang naging tradisyon na ito ng mga Pilipino, ngunit sa kasalukuyang panahon, hindi na ito maaari.

Akala ng mga tao, ang pagsisiga ng mga basura ay nakakatulong upang mabawasan ang mga tambak, sapagkat hindi na sila nagtatapon ng mga basura kundi nagsusunog na lamang. Lingid sa kanilang kaalaman, hindi lamang ang lupa ang kanilang pinipinsala, pati na rin ang atmospera. Kasama narin sa mga naaapektuhan ay ang kaulusugan ng taong nakapaligid sa mga sunugan ng basura, sapagkat nalalanghap nila ang usok na maaaring naglalaman ng mga mapanganib na kemikal. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng polusyon sa ating mundo. Ang mga basura na sinusunog ay hindi lamang mga likas na bagay, nakahalo dito ang mga plastic, styrofoam, gulong at iba pang mga nare-recycle na bagay. Ang usok na nanggaling sa halo-halong sunog na basura ay napakadelikado sa kalusugan ng tao at sa kalikasan mismo.


Pwedeng maging solusyon dito ay ang pagmumulat sa mga kamalayan ng tao kung ano ang nagiging epekto nito sa kalusugan at sa kalikasan. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pantas-aral sa kani-kanilang mga barangay ay talagang makakatulong upang mabawasan ang mga gumagawa ng ganitong kasanayan. Mabisa din ang pagre-recycle at pagse-segregate ng mga basura para hindi na makadagdag sa polusyon at hindi na makapinsala sa ating lahat.


6. PAGKAKALBO NG MGA BUNDOK
Isang bundok na na walang ni-isang punong nabubuhay
Ang ating mga kabundukan ay binubuo ng napakaraming matatayog, matitibay at matatangkad na puno, na siyang nagpapanatili ng buhay sa ating mundo. Ngunit dahil sa kagagagawan ng mga ganid na tao, unti-unti ng nakakalbo ang ating mga kabundukan. Hindi lamang mga tao ang naaapektuhan sa mga kagagawan natin, pati narin ang mga nilalang na nakatira sa mga punong pinutol natin, ang mga hayop. Nawawala na ang kanilang mga likas na tirahan at maaaring sila na ang sumunod kung tayo'y magpapatuloy sa mga gawaing ito.

Magkasingkahulugan ang pagtotroso at pagkakalbo ng kabundukan na parehong nangangahulugang pagputol ng mga puno sa isang lugar. Siguro ang pinagkaiba lamang nila ay ang lugar kung saan ginanap ang pagputol ng puno. Ang pagtotroso ay nangyayari sa mga kagubatan sa patag, sa kabilang  ang pagkakalbo ng kabundukan ay malamang ginaganap sa mga bundok. Pero ganunpaman, pareho silang nagiging dahilan kung bakit nagdudusa ang maraming tao sa mga nangyayaring kalamidad sa ating bansa. Nang dahil sa kawalan ng punong humihigop sa tubig ulan, lumalambot ang lupa at gumuguho ito na nagiging sanhi ng mga landslid. At nang dahil din dito, bumabaha sa mga mabababang mga lugar kung kaya't madaming tao ang namamatay at madaming ari-arian ang napipinsala.

Ang agarang solusyon sa problemang ito ay maging mapagmalasakit na nilalang at tulungan ang mga organisasyon na naglalayong maalagaan ang kalikasan. Ayudahan silang magtanim ng mga puno at ipaalam sa mga namumutol ng puno na palitan nila ang mga  pinuputol nila upang mayroong sumoporta sa lupa sa mga bundok. Maaari ding magsagawa ng petisyon upang  marinig ng mga mambabatas ang ating boses na naglalayong mapabuti ang batas ukol sa mga puno at kalikasan.

7. PAGMIMINA
Hekta-hektaryang lupain na ginawang lugar sa pagmimina
Ang mga dyamanteng nakasuot sa mga leeg ng mga politiko, mga mamahaling bato na nakaukit sa hikaw ng mga artista at ang mismong ginagamit mong uling para magluto ng isaw ay galing sa ilalim ng lupa. Upang makuha ang mga bato at mineral na iyan, hinuhukay nila ang pinakailaliman ng lupa at bubungkalin ang mga bagay na iyan para sa mga pangangailangan ng mga tao. Alam natin na talagang kailangan natin ang mga uling, langis at iba pa, pero nawawala sa ating mga isipan na ang mga bagay na ito ay galing sa ilalim ng lupa at ang paraan ng pagkuha ng mga ito. Tayo rin ay nakaka-ambag sa pagsira ng ating mga kalupaan.

Nakaugnay din ito sa mga bundok at bulubundukin na kadalasang mga lugar kung nasaan ang mga mahahalagang materyales na kinakailangan nating mga tao. Ito rin ang nagiging mitsa kung bakit nagkakaroon ng mga pagguho ng lupa. Pwede nating maituring ang pagmimina bilang pinakamalubhang dahilan kung bakit nasisira ang ating mga yamang lupa. Sa ibang lugar mayroon mga pagkakataon na bumababa ang mga dalampasigan at kinakain ng dagat ang baybayin, nang dahil sa pagmimina. Kung patuloy nating isasagawa ang mga masasamang gawaing ito, maaaring dumating ang araw na wala na tayong mga kabundukan at dalampasigan, at maaaring magsimula naring mawala ang ibang mga lugar sa bansa natin.

Itong problemang ito ay mahirap solusyunan sapagkat mahirap ng maibalik sa dati ang mga kalupaang nasira na dahil sa pagmimina. Ngunit mayroon tayong magagawa upang hindi na ito mapagpatuloy sa hinaharap. Maaari tayong magtulong-tulungan, tayong mga Pilipino, na maitigil o maaaring mabawasan na ang pagmimina sa ating bansa. Tayo'y maghihimok ng ibang mga tao para sa iisang mithiin. Lahat tayo'y naaapektuhan sa suliraning ito at alam nating lahat na unti-unti naring nawawala ang ating magagandang mga likas na yaman na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Alam namin na isa itong mala-imposibleng mithiin, pero kung tayong lahat ay gagalaw at magsasalita, maaaring matupad ang layunin natin.

8. PAGTATAYO NG MGA GUSALI O IBA PANG IMPRASTRAKTURA
Mga bahay na itinatayo sa pinatag na lupa
Biglaan nagsisisulputan na parang kabute ang mga village at subdivisions sa ating lugar. Dito sa mga lugar na ito karaniwang nakatirik ang mga bahay natin. Mayroong mga tirahan ang mga mayayaman na nakapaloob sa isang exclusive villages at subdivisions. Ang mga ito ay patuloy na lumalaki at lumalawak at walang hahadlang sa kanilang, kahit ang mga malalaking puno na nakaharang. Titibagin at puputulin nila lahat yan, para lang makapagtayo ng mas marami pang bahay at mas lalong yumaman. Hindi lamang sa bahay nangyayari, pati sa pagpapagawa ng mga establisyemento at mga imprastraktura, lalong-lalo na sa mga lugar ng komersyo. Kaya kakaunti lamang ang mga puno sa lugar na iyon, sapagkat puro gusali. Imbis na matatangkad at matatayog na puno ang makikita mo, puro nagsisitaasang mga gusali na abot langit.

Halos lahat ng mga suliraning itinalakay natin ay magkakaugnay. Itong suliraning ito ay nakaugnay sa pagputol ng mga puno at pagpapatag ng mga bundok. Upang magkaroon ng mga subdivision, villages at mga imprastraktura, kailangan munang tanggaling at timbagin lahat ng sumasagabal sa kanilang lupa. Iyon ang nagiging dahilan kung bakit nawawala ang puno. Puputulin silang lahat at papatagin ang lupa, pagkatapos nun ay tatayuan na ito ng mga bahay at gusali at makakalimutan na nilang magtanim ng puno.

Ang pwedeng maging solusyun dito, kung nakatira ka sa isang village o subdivision, ikaw na mismo ang magtanim ng mga puno at mga halaman, upang magkaroon ng masarap na simoy ng hangin ang paligid nyo at makakatulong ka pa sa kalikasan at sa ibang tao. Maaari rin tayo mag-mungkahi sa kinauukulan upang magkaroon ng patakaran ukol sa pagtatanim ng puno sa bawat bahay sa nasasakupan. Sa mga maliliit na bagay, maaari tayong maka-ambag sa pagsasaayos ng ating kalikasan.

GROUP B (12 - SJC)

  • Calicdan
  • Francisco
  • Miranda
  • Padiernos
  • Otsuka
  • Santos, Jethro
  • Urban
  • Vergara